Kumalat sa social media sa China ang video na nakuhanan ang isang lalaki na inihian umano ang sangkap na ginagamit sa paggawa ng isang sikat na brand ng beer sa nasabing bansa--ang Tsingtao. Tiniyak naman ng kompanya na hindi magagamit ang batch ng malt na inihian.

Sa video ng GMA Integrated Newsfeed, makita ang isang lalaki na pumuslit papasok sa storage room ng Tsingtao Brewery. Ilang saglit lang, makikitang inihian niya ang mga nakaimbak na sangkot na ginagamit sa paggawa ng beer.

Batay sa mga naunang report, empleyado umano ng kompanya ang lalaki na umihi, pati na ang nagre-record ng video.

Pero nilinaw sa preliminary finding ng Pingdu City Police na "external contractors" umano ang mga sangkot sa insidente.

Ayon sa state media na National Business Daily, idinetine sa himpilan ng pulisya ang dalawang kawani.

Mabilis na nag-viral sa Chinese social media ang insidente, at kasunod nito ay naglabas naman ng pahayag ang Tsingtao Brewery.

"Our company attaches high importance to the relevant video that emerged from Tsingtao Brewer No. 3 on October 19. We reported the incident to the police at the earlist opportunity, and public security agencies involved in the investigation," ayon sa kompanya.

Tiniyak din ng kompanya na sinelyuhan nila at hindi magagamit ang batch ng malt na inihian ng lalaki sa video.

Bukod sa pagiging pangunahing beer maker sa China, ang Tsingtao rin ang isa sa pinakamalaking exporter ng brew at nagsu-supply ng beer sa iba't ibang bansa.

Bumuo naman ng team ang Pingdu Market Authority para imbestigahan ang insidente, at sinuri din nila ang mismong site kung saan nangyari ang insidente.-- FRJ, GMA Integrated