Naging malaking palaisipan sa netizens na may kasamang takot nang mapanood nila ang ilang video na makikita ang isang itim na pabilog na pigura na lumitaw mula sa kalangitan. Ang hinala ng ilan, baka portal o lagusan ito ng mga kakaibang nilalang, pati na alien.

Sa programang “AHA!” ikinuwento ni Mikky Amarille, uploader ng video na taga-Taguig, dakong 5:00 p.m. nang makita nila ng kaniyang mga kaibigan ang isang babae na nakatingin sa kalangitan.

Nang tingnan nila kung ano ang tinitingnan ng babae, nagulat sila sa bilog na guhit na tila usok na parang ulap.  

Dahil kakaiba, kinunan nila ito ng video.

Sa una, sinlaki lamang ng bilog ng drum ang pigurang itim. Pero habang pataas na ito nang pataas, panipis na ito nang panipis hanggang sa nawala.

Nag-viral ang video ni Amarille matapos niya itong i-post.

“May mga nagsasabi UFO daw, o baka katapusan na ng mundo, o, lagusan pupuntang Encantadia. Kinabahan din ako noon, kasi kakaiba,” sabi ni Amarille.

 Ayon naman kay Khan Itona, saksi rin sa pangyayari, nakarinig muna siya ng malakas na pagsabog bago nakita ang itim na bilog na tila ulap.

Sa kaniya namang video, mapapanood ang maitim na usok na tila mushroom. Sa pag-angat nito, bumuo ito ng smoke ring.

“Sabi nila portal daw, labasan doon ng mga classes na halimaw,” sabi ni Itona.

Pero paliwanag ni Christian John Evangelista, resident meteorologist ng MDRRMO, hindi nagmula sa kalangitan ang itim na usok dahil hindi ito nagko-condensate gaya ng isang ulap.

“Posibleng meron po itong source na puwede pong merong nagsisiga dito sa baba. At eventually, sudden or abrupt ‘yung pagsiga na ‘yun at nag-form siya into a circle,” sabi ni Evangelista.

“Normal po ito na usok. At aangat siya hanggang mag-disperse habang umaangat din sa ating atmosphere,” dagdag ni Evangelista.

Ayon kay Evangelista, posibleng nagmula ang bilog na itim sa isang pagsabog.

“Gawa po ng tao. And eventually, nagkaroon lang ng misinterpretation,” anang meteorologist. -- FRJ, GMA Integrated News