Laking gulat ng mga sakay ng isang kotse nang biglang may sumulpot na ahas sa windshield ng kanilang sasakyan habang nasa biyahe sila at papunta sa Cagayan de Oro City.
Sa ulat ni Kuya Kim Atienza sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabi ni Mark Joseph Sara na nag-upload ng video sa social media, na natakot sila na baka makapasok sa loob ng sasakyan ang ahas kung dadaan ito sa daanan ng aircon.
May pagkakataon pang nakakarating sa side mirror ang ahas habang patuloy ang kanilang pag-andar.
Ayon kay Dr. Arvin Diesmos, isang herpetologist, ang ahas na nasa kotse ay ang Philippine paradise tree snake.
"Itong ahas na ito ay wala siyang kamandag, harmless sa ating mga tao," paliwanag niya.
Kabilang sa mga abilidad umano ng Philippine paradise tree snakes ay may kakayahan itong mag-'glide' na tila lumilipad para makalipat ng puno.
"Kaya nilang i-bend 'yung kanilang ribs. Pinaluwag nila 'yun ay lalaki 'yung tinatawag na surface area ng kanilang katawan. Para siyang nagpa-parachute," paliwanag ni Dr. Arvin.
Payo ng eksperto, huwag mag-panic kapag nakakita ng ganitong uri ng ahas para hindi rin mag-panic ang ahas.
"Siyempre magugulat kayo 'no? Pero 'wag na kayo mag-panic. In fact, sila rin ay nagpa-panic. I-check n'yo kung meron kayong safe area na mapaghihintuan sa highway, pilitin n'yo makaalis na 'yung ahas. 'Wag na nating saktan, kawawa naman," paliwanag niya.
Ganito rin naman daw ang ginawa ng grupo ni Mark Joseph.
"Doon po muna kami sa National Highway. Hinintay po talaga namin na yung ahas ay makababa po talaga sa sasakyan," kuwento niya. —FRJ, GMA Integrated News
