Ikinagalit ng isang fur parent noong una ang ginawang pagnguya ng kaniyang alagang aso sa kable ng charger ng kanilang e-bike sa Henan Province, China. Ngunit nang mapanood ang CCTV, namangha siyang ginawa pala ito ng aso para sagipin sila sa posibleng panganib.

Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, sinabing mag-isa noon sa garahe ang asong si Heibao nang mag-apoy ang charger ng kanilang e-bike. Tila tinantiya pa ng aso ang sitwasyon bago siya lumapit dito.

Matapos humupa ang apoy, si Heibao mismo ang humugot sa saksakan.

Hindi nagtagumpay si Heibao sa unang pagkakataon, ngunit hindi niya tinigilan ang saksakan kahit umuusok pa ito at may natitira pang apoy.

Nang hindi niya mahila ang plug sa saksakan, ang kable ng adapter ang hinila nito at tagumpay itong natanggal ni Heibao.

Sinabi ng amo ni Heibao na ikinagalit niya ito noong una nang akalaing nginatngat lang ng aso ang kable.

Ngunit nagulat at namangha siya nang mapanood niya ang insidente sa CCTV.

Kung hindi nabunot ni Heibao ang saksakan, posibleng umabot ang apoy sa telang nakasampay sa e-bike at magresulta sa sunog.—Jamil Santos/AOL, GMA Integrated News