Ikinagulat ng isang ina nang madiskubre niyang hindi mga kaibigan o kamag-anak, kundi si “Papa Jesus” ang kinakausap ng kaniyang anim na taong gulang na anak.
Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, sinabing natuklasan ng 35-anyos na si Denise Diaz ang history ng Messenger account ng kaniyang anak na si Pupuy na may kausap itong account na nagngangalang “Papa Jesus.”
Nagse-send pa si Pupuy ng video at voice message sa naturang account, at ilang beses din niya itong sinubukang tawagan.
“Ikaw naman Papa Jesus, masaya ka ba sa langit? Hello Papa Jesus! Kumusta ka naman sa langit?” sabi ni Pupuy sa isang video message.
“Chinat ako ng kapatid ko, i-check ko raw ‘yung Messenger ng anak ko. Mayroon daw conversation na nagli-leave siya ng voice message kay Jesus nga, kinukumusta raw siya sa langit,” sabi ni Diaz.
Ayon kay Diaz, napadalas si Pupuy sa pagtatanong tungkol sa Diyos matapos maagang pumanaw ang kaniyang anim na buwang gulang na pinsan na si Kylie.
“‘Yung pinsan niya kasi six months old namatay na baby. Bale lagi niyang tinatanong na ‘pag natutulog kami, ‘Si Papa Jesus po ba kasama ba ni ate Kylie, mga ganu’n. Tapos sabay ‘yung lolo ko raw ba is kasama ni Papa Jesus? Kukumustahin daw niya,” kuwento ni Diaz.
Ang pagiging curious ni Pupuy tungkol sa Diyos ay bunga na rin ng impluwensiya ng kaniyang relihiyosong pamilya at si Diaz.
“Sabi ko wala pang nakakita kay Papa Jesus pero ‘yung mga nakita natin sa Facebook o kaya ‘yung mga ginagaya sa mga makeup is parang ‘yun lang ang description sa kaniya,” paliwanag ni Diaz sa anak.
Kahit na makulit si Pupuy sa pagtatanong, masaya naman si Diaz dahil may anak siyang malapit sa Diyos. — VBL, GMA Integrated News