Isang 15-anyos na binatilyo ang biniktima ng holdap ng dalawang lalaking sakay ng motorsiklo gamit ang pekeng baril sa Sta. Magdalena, Sorsogon.
Sa ulat ng GMA Regional TV Balitang Bicolandia nitong Biyernes, sinabing nangyari ang insidente sa Sitio Lawigan, Barangay San Rafael.
Ayon sa pulisya, tinutukan ng mga suspek ng pekeng baril ang binatilyo at nagdeklara ng holdap. Kinuha nila ang cellphone ng biktima bago tumakas.
Nakahingi naman ng tulong ang biktima sa mga residente sa lugar kaya nasakote ang isa sa mga suspek, hanggang sa dumating ang mga rumespondeng pulis.
Nakuha sa suspek ang isang replika ng kalibre .45 na baril.
Paliwanag ng suspek, nagawa niya ang krimen dahil humingi sa kaniya ng tulong ang kaniyang kasama na nasa ospital umano ang anak.
"Yung kasama ko po naospital yung anak, humihingi po siya sa akin ng tulong na gawin nga po yun, so nagawa ko rin po," paliwanag niya. "Kaya dun po sa nagawan ko, nakikiusap po ako na, sana patawarin niyo po ako."
Ayon kay Police Captain Rodel Deladya, hepe ng Sta. Magdalena Municipal Police Station, kasong robbery-holdup ang isinampa nila laban sa suspek, habang tinutugis pa ang kasama niya.
"Sinampahan namin siya ng kasong robbery-holdup, sapagkat 'yung manner ng pag[nakaw] niya is ginamitan niya ng pananakot, and then ang sabi niya dun is tinutukan niya ng baril na replika ['yung biktima]," paliwanag ni Deladya. --FRJ, GMA Integrated News