Extra challenge ang pagtawid sa isang pedestrian lane sa Marikina City dahil 10 segundo lang ang nakalagay sa timer nito para bigyan ng pagkakataon ang mga tao na makatawid.

Sa ulat ni Darlene Cay sa GMA News Unang Balita nitong Lunes, sinabing makikita ang naturang pedestrian lane na pinagkakatuwaan ng ilang netizens sa kanto ng Sumulong Highway at Katipunan Extension.

Kaya namang tawirin ang naturang kalsada sa loob ng 10 segundo pero kailangang maglakad nang mabilis o tumakbo ang mga tao-- bagay na magiging problema ng mga matatanda, buntis, may kapansanan sa paglalakad, at iba pa.

"Masyadong maigsi naman 'yon [10 segundo]. Lalo na kung matanda ka, gaya ko 85 na ako, eh hindi naman puwedeng tumatakbo," ayon kay Gus Lagman, immediate past president ng Automobile Association of the Philippines.

Ayon kay Marikina Mayor Marcy Teodoro, galing sa Metropolitan Manila Development Authority ang naturang traffic light, Gayunman, inaalam na rin daw nito ang tungkol sa naturang usapin.

Samantala, sinusubukan pang makuhanan ng pahayag ng MMDA.

Para kay Lagman, may kakulangan sa pagpapatupad ng batas sa kalsada. Kaya kailangan umanong maging maingat ang mga motorista gaya sa mga intersection

"Dapat kapag intersection dapat magmenor sila [motorista]. So its safer to cross doon sa mga intersections," saad niya.

Malaki rin daw ang maitutulong ng mga mas magandang impraestruktura gaya ng mga signages at iba pang mga teknolohiya gaya ng nasa Makati City na may madidinig na mensahe ang mga tao kung kailan sila dapat tumawid.

Batay sa GMA Integrated News Research, mula Enero hanggang Abril ng 2024, may 907 na aksidente na kinasangkutan ng mga pedestrian sa Metro Manila ang naitala, at 28 sa kanila ang nasawi.-- FRJ, GMA Integrated News