Sugatan ang isang dalagita matapos siyang tumilapon sa ere nang sumabog ang sinindihan niyang paputok na inilagay niya sa manhole sa Chongqing, China.
Sa ulat ng GTV Balitanghali nitong Miyerkoles, mapanonood sa CCTV camera ang pag-upo ng dalagita malapit sa ilang manhole.
Ilang saglit lang, sumabog ang mga ito, habang tumalsik sa ere ang dalagita at saka bumagsak sa semento.
Muntik pa niyang mabagsakan ang isang lalaki na naglalakad sa lugar.
Sinabi ng mga awtoridad na nagtamo ng mga bali sa katawan at malalang paso sa ulo ang dalagita. -- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News