Arestado't muling makukulong ang isang 50-anyos na lalaki matapos niyang pasukin ang bahay ng kaniyang dating nobya at kunin ang paborito nitong manok sa Washington, USA.
Batay sa video ng Kitsap County Sheriff's Office na mapanonood din sa GMA Integrated Newsfeed, napapunta ang mga pulis sa kakahuyan at natagpuan ang lalaki na mahigpit ang kapit sa diumano'y kinidnap nitong manok. Rumesponde raw ang mga pulis sa isang tawag ukol sa insidente ng pag-kidnap.
Emosyonal ang lalaki nang datnan ng mga awtoridad, at mistulang nagmamakaawa na huwag umanong sasaktan ang hinahawakan niya.
Marahang nilapitan ng pulisya ang lalaki't pinasusuko para masagip ang tinangay niyang manok na si Polly.
Kalaunan, sumama rin ang suspek sa pulisya habang hawak-hawak pa rin niya ang manok.
Tila kinakausap pa ng lalaki ang manok bago ito isinakay sa loob ng police mobile.
Sinabi pa ng mga awtoridad na dalawang oras bago ang insidente, kalalabas lang ng suspek galing sa kulungan.
Matapos pasukin ang bahay ng kaniyang ex-girlfriend, ilang ulit pang nagsisigaw ang lalaki ng, "I've got Polly," bago siya tuluyang umalis.
Mayroong court protection order laban sa lalaki dulot ng hindi magandang relasyon nila ng kaniyang dating nobya.
Muling mahaharap ang lalaki sa 10 taon na pagkakabilanggo at multang $20,000 o katumbas ng mahigit P1.1 milyon para sa kasong residential burglary.
Dagdag ito sa parusang isang taon na pagkakabilanggo at multang $5,000 o mahigit P280,000 para sa violation ng court order.
Ligtas namang naibalik ang manok na si Polly sa biktima. — Jamil Santos/ VDV, GMA Integrated News
