Dahil sa pagiging abala sa paggamit ng cellphone, muntik nang mapahamak ang isang lalaki nang bumagsak ang crane sa isang construction site sa Jiangsu, China.Sa ulat ng GMA Integrated News, mapanonood na nagtatakbuhan na ang mga tao sa paligid, ngunit abala pa rin sa pagse-cellphone ang lalaki.Batay sa mga lokal na ulat, ginagawa noon ang ika-23 palapag ng gusali nang makarinig ng dagundong ang mga manggagawa.Nang magtakbuhan ang mga manggagawa, naiwan ang lalaki na nagse-cellphone hanggang sa bumagsak na ang boom ng crane.Sa kabutihang palad, nakapagtago ang lalaki sa mga tipak ng semento na siyang napuruhan sa pagbagsak ng crane.Nakaligtas ang lalaki, at ang iba pa niyang kasamahan sa construction site.Patuloy ang imbestigasyon sa dahilan ng pagbagsak ng boom.Samantala sa Ust-Kut, Russia, isang van ang nakaligtas din sa peligro na siya mismo ang may pakana ng muntikan niyang kapahamakan.Bumusina na noon ang papalapit na tren ngunit tumuloy pa rin ang container van sa pagtawid sa riles.Gahibla lang ang agwat ng tren at ng likurang bahagi ng van nang makatawid ito.Wala pang linaw kung pananagutin ng awtoridad ang driver ng van na nagpumilit tumawid.Bago nito, isang bus din ang kamuntikang makabangga ng tren sa parehong lokasyon.-- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News