Nauwi sa presinto ang gimik sa bar ng dalawang mommy sa Glendale sa Arizona, USA, nang arestuhin sila ng mga pulis nang may makakita sa apat nilang batang anak--na sanggol ang isa-- na kanilang iniwan sa parking area.Ipinakita sa ulat ng GMA Integrated News ang kuha sa body camera ng mga rumespondeng pulis sa isang parking area matapos na may mag-report tungkol sa mga bata na nakitang pagala-gala sa lugar.Nang dumating ang mga pulis, madidinig na umiiyak ang isang sanggol at isang paslit sa loob ng isang sasakyan.Ang dalawang bata na mas may edad, pagala-gala naman sa parking area na siyang nakita ng mga nagmalasakit na tao, dakong 11:00 p.m.Kuwento ng isang residente, nakita niya ang dalawang bata na pagala-gala at dinala siya sa kotse kung nasaan ang sanggol at ang paslit na umiiyak.Kaya naman tumawag sila sa pulisya na dumating naman sa lugar at hinanap ang mga magulang ng mga bata. Hanggang sa mapag-alaman na magkaiba pala ang mga ina ng mga bata.Unang dumating ang isang mommy na nakapostura, at idinahilan na nagbanyo lang siya.Pero hindi siya pinaniwalaan ng pulis dahil 45 minuto na sila sa lugar matapos makatanggap ng sumbong tungkol sa mga batang gumagala sa parking area.Maya-maya lang, dumating din ang isa pang ina ng mga bata, at pareho rin ang ibinigay na dahilan na nagbanyo siya kaya iniwan ang mga anak.Nang tanungin ng pulis ang babae kung gaano siya katagal na nawala, sinabi nito na 15 minuto. Kaya sinabi ng pulis na nagsisinungaling siya."We've been staying here with these kids for over 45 minutes by themselves," ayon sa pulis.Hindi nagtagal, umamin na ang isang babae na pumasok sila sa isang bar para nagbanyo, at saka sila uminom kahit walang kasama ang mga bata sa labas.Nang halughugin ng mga pulis ang isang kotse, may nakuha pa silang marijuana na nasa glove sa loob compartment."Those kids have been in the car for how long with weed? They could have easily accessed that as well," ayon sa isang pulis.Sa kabila ng pakiusap ng dalawang mommy na huwag silang arestuhin at huwag ilayo sa kanila ang mga bata, hindi sila pinagbigyan ng mga pulis.Inaresto sila at mahaharap sa patong-patong na reklamo dahil sa kanilang ginawang paggimik at pagpapabaya sa mga bata.Dinala naman sa kinauukulang ahensiya ng pamahalaan ang mga bata para matiyak na magiging maayos at ligtas ang kanilang kalagayan.Pinuri din ng Glendale Police Department ang mga nagmalasakit ng tao para sa kaligtasan ng mga bata."It's a strong reminder: leaving kids alone, especially while under the influence is not only irresposible, it's illegal," ayon sa pulisya. -- FRJ, GMA Integrated News