Nabulabog ang ilang residente at motorista nang biglang lumabas mula sa isang imburnal sa gilid ng daan ang isang babae sa Makati.

Sa ulat ni Mark Salazar sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, ipinakita ang larawan ng babae na kumalat sa social media na lumabas mula sa butas ng imburnal sa panulukan ng Rufino Street at Adelentado Street sa Legazpi Village, Makati.

Ayon sa uploader ng larawan, kaagad na tumakbo palayo ang babae nang habulin ng ilang security guard.

Hindi pa malinaw kung ano ang ginagawa ng babae sa loob ng imburnal at kung sino siya.

Pinuntahan naman ng mga awtoridad ang imburnal na para suriin. Ipinagtaka nila kung papaano nakapunta sa loob ng imburnal ang babae na makipot lang ang looob.

Planong lagyan ng bakal na harang ang butas ng imburnal para hindi na makabalik ang babae sa loob.

Wala pang pahayag ang Makati City Police at Makati Central Estate Association (MCEA) sa naturang insidente. -- FRJ, GMA Integrated News