Matinding effort ang ginawa ng mga awtoridad sa Cape Town, South Africa para mailigtas at maibalik sa dagat ang isang "cute" na dambuhalang elephant seal na naligaw sa teritoryo ng mga tao, at umabot pa malapit sa isang mall.
Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, sinabing umabot ang seal sa kalsada na may layong isang kilometro ang kalye mula sa dalampasigan kaya napaisip ang mga awtoridad kung paano nakarating doon ang dambuhalang nilalang.
Rumesponde ang iba't ibang ahensiya matapos iulat ng mga residente ang nakitang seal sa gilid ng daan, sa kalsada, sa tabi ng patrol car, at maging malapit sa isang shopping mall.
Sinabi ng Cape of Good Hope SPCA, isang NGO na nangangalaga sa mga hayop, masyadong malayo ang narating ng seal at nahirapan na itong bumalik sa dagat na mag-isa.
Dahil dito, ikinasa ang isang rescue operation na umabot ng siyam na oras.
"This seal's unexpected journey into a residential area created cause for concern. With so many moving parts – traffic, onlookers, and a massive marine mammal in distress – it took rapid coordination and clear focus to keep everyone safe," sabi in Belinda Abraham, spokesperson ng Cape of Good Hope SPCA.
May timbang na dalawang tonelada ang lalaking seal kaya hindi naging biro ang pag-transport sa kaniya.
Nagtulong-tulong ang iba't ibang ahensiya para sa misyon. At sa tulong ng wildlife veterinarian, na-sedate nila ang seal at naisakay sa isang trailer, bago dinala sa Koggel Bay.
Nang maka-recover mula sa pagka-sedate, lumangoy na ang seal pabalik sa kaniyang natural na tahanan--ang dagat.
Ang mga southern elephant seals (Mirounga leonina) ang pinakamalaking species ng seal sa mundo.
Bihira itong nakikita sa South Africa dahil sa sub-Antarctic regions ang kanilang natural habitat.-- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News
