Magkahalong takot at pangungulila ang naramdaman ng isang pamilya sa Morong, Rizal nang makuhanan nila ng magkahiwalay na video ang pagpapakita umano ng kaluluwa ng yumao nilang lola at apo mula sa salamin ng kanilang lumang aparador. May mensahe kaya sa pamilya ang mga yumao? Alamin.
Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” sinabing mag-a-apat na dekada na ang tanda ng aparador na binili ng mag-asawang sina Divina at Cornelio Oreta noon pang 1989.
Noon pa man, tila meron na umanong namamahay sa aparador. Ayon kay Cornelio, tila may kumukulit at nakatitig sa kaniya na humihingi ng tulong at dasal sa tuwing natutulog siyang mag-isa sa salas.
Ang apo naman ni Cornelio na si Khim Irish Fortuna, tila nakaramdam na may katabi siya sa loob ng aparador sa tuwing naglalaro sila ng tagu-taguan.
Sa paglipas pa umano ng panahon, lalo pang lumalakas ang mga pagpaparamdam.
“Pag-open ko po ng ilaw, may nanakbo na bata. Papunta po sa lugar ko kung nasaan po ‘yung aparado. Parang anino lang po siya, maitim,” sabi ni Khim Irish.
Hanggang nitong nakaraang buwan lang ng Mayo, nahuli-cam na ang mga hindi maipaliwanag na nanggagambala sa kanila. Habang kumukuha ng video si si Khim Irish sa kaniyang batang kapatid, nahagip nito ang aparador at may tila mukha silang nakita sa salamin nito.
Kinilabutan ang pamilya, nang mapagtanto nila na ang mukha sa salamin ay tila ang kanilang Lola Gloria, na siyam na buwan nang patay, at namayapa sa edad na 79.
Ayon kay Divina, mahilig talagang manalamin sa aparador si Lola Gloria noong nabubuhay pa.
Ngunit hindi pala iyon ang unang pagkakataon na may na-videohan silang imahe sa salamin ng aparador.
Sa video naman na kuha ni Jackie Fortuna, ina ni Khim Irish, nahuli-cam naman niya sa salamin ang isang bata, na sa paniwala niya ay ang 10-anyos niyang anak na si Tenten, na pumanaw matapos malunod noong 2023.
Bago nito, makailang beses nang napanaginipan ni Jackie si Tenten na nakatitig lang at tila may gustong sabihin.
Hinala niya, baka hindi aksidente ang nangyari kay Tenten, kaya nais sana niyang malaman kung ano talaga ang nangyari.
Para mabigyan ng linaw ang mga katanungan sa pinaniniwalaan nilang pagpapakita ng mga namayapang mahal sa buhay, bumista sa kanila ang paranormal investigator na si Mary Cuevas.
Sa kaniyang papasok sa tahanan ng pamilya, naramdaman agad ni Cuevas ang bigat ng lugar, at ang presensiya ng isang yumaong babae.
Pagsuri niya sa salamin ng aparador, natuklasan ni Cuevas na may tumira rin umanong babae sa kanilang bahay, at nagsisilbi ngayon itong portal o lagusan ang aparador.
Ang pagpapakita naman ng bata, may kaugnayan umano sa kahilingan nito noong nabubuhay pa hindi naibigay.
Tunghayan sa KMJS ang umano'y mensahe nina Lola Gloria at Tenten sa naiwan nilang mga mahal sa buhay, at paliwanag ng isang psychiatrist at isang pari tungkol sa nararanasan ng pamilya. Panoorin ang buong ulat sa video. --FRJ, GMA Integrated News