Isang kotse na nasa gas station at kinakargahan ng gasolina ang biglang nagliyab sa Entre Rios Province, Argentina. Ang isa ang mga tinitingnan na dahilan ng pagkasunog ng sasakyan, mali umano ang fuel o gas na nailagay ng driver.
Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, mapanonood na biglang nagkagulo ang mga tao at staff sa gasolinahan nang magliyab ang kotse.
Habang hindi malaman ng iba ang kanilang gagawin, isang empleyado na may dalang fire extinguisher ang naglakas-loob lumapit sa nasusunog na sasakyan at pinatay ang sunog.
Inilabas ng mga awtoridad ang video para magsilbing paalala sa publiko.
Kinukumpirma pa sa imbestigasyon kung maling fuel ba talaga ang naikarga sa sasakyan. Tinitingnan din ang posibilidad na baka nagkaroon ng spark habang inaalis ang pump.
Sinabi ng mga awtoridad na hindi pangkaraniwan na nasusunog ang sasakyan kung mali ang fuel na nailalagay.
Hindi pa nagbibigay ng pahayag ang pamunuan ng gasolinahan.
Ligtas naman ang mga tao at ang driver ng kotse sakabila nang pagkakatupok ng kaniyang sasakyan.—Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News
