Isang pusa ang binaril sa mukha na holen ang bala sa Barangay Sinuda, Kitaotao, Bukidnon. Ang pusa, isinailalim sa operasyon para makuha ang holen na bumaon sa bungo nito.

Sa ulat ng GMA Regional TV One Mindanao nitong Lunes, sinabing dinala ng may-ari ang sugatang pusa na si “Panther” sa Davao Emergency Veterinary Hospital sa Davao City para maoperahan.

Ayon sa veterinarian na si Dr. Ronald Lunar, mabuti na lang at nadala kaagad sa kanila ang pusa.

Matapos ang mahigit isang oras na operasyon, matagumpay na nakuha ang nakabaon na holen .

Hinihinala ng may-ari sa pusa na kapitbahay nila ang bumaril sa kanilang alaga.

Nasa stable condition na ang pusa, habang desidido ang may-ari ng hayop na kasuhan ang kaniyang kapitbahay.

Ipinagbabawal at may parusang naghihintay sa mga napapatunayang nanakit at nagmaltrato sa hayop sa ilalim ng Animal Welfare Act of the Philippines (RA 8485). – FRJ GMA Integrated News