Pumanaw na ang asong si “Tiktok” matapos masagasaan ng sasakyan nitong Linggo sa Bacolod City. Noong nakaraang Pebrero, naantig ang kalooban ng netizens sa aso matapos mag-viral ang kaniyang larawan sa social media na tadtad ng tama ng pana sa bayan ng Murcia.

Sa ulat ni Adrian Prietos sa GMA Regional TV One Western Visayas nitong Lunes, ipinaliwanag ng Bacolod Animal Chance & Hope (BACH) Project PH, ang animal rescue group na nangangalaga kay Tiktok, na pansamantalang inaalagaan si Tiktok ng isang volunteer dahil sa pagkalat ng sakit sa mga aso na distemper sa animal shelter.

Hindi umano namalayan ng volunteer na nakalabas ng bahay si Tiktok at nakatakbo sa kalsada at doon siya nasagasaan ng sasakyan at namatay kaagad.

Ngayon Lunes, September 8, 2025, nagkaroon ng public viewing para kay Tiktok bago isinagawa ang cremation.

Noong nakaraang Pebrero, sinagip ng BACH Project PH si Tiktok matapos siyang magtamo ng limang tama ng pana sa iba’t ibang katawan sa Barangay Blumentritt sa bayan ng Murcia sa Negros Occidental.

Makaraang maka-recover sa kaniyang mga sugat, nagawa pang makasali ni Tiktok sa isang fun run nitong nakaraang Agosto kasama ang iba pang animal cruelty survivors. – FRJ GMA Integrated News