Ipinakita sa programang “Unang Hirit” nitong Lunes ang ilang video at audio na nakapag-record umano ng mga kababalaghan.
Kabilang dito ang isang video na ayon sa kumuha ay nangyari dakong 2:00 am sa tinutuluyan niyang boarding house. Nagising umano siya dahil sa tinig ng babaeng umiiyak.
Nang hanapin niya ang pinagmumulan ng tinig, nakita niya ang tila babaeng nakaputi habang nakaupo sa ibabaw ng kama.
May ipinakita rin video na kuha naman habang nagha-hiking ang dalawang babae sa gubat. Kuwento ng kumuha ng video, napansin niya na tila may anino na nakasunod sa kanila.
Habang ang isang video na kuha sa loob ng elevator, madidinig ang tinig ng tila babaeng “nag-hi,” na mistulang sumagot nang mag-hi ang babae na kumukuha ng video.
May ipinakita ring video na kuha sa loob ng bahay na makikita ang paggalaw ng pinto na mag-isa at may gamit pang bumagsak.
Maituturing nga bang paranormal ang mga nahuli-cam na pangyayari, at ano ang dapat gawin ng taong makakaranas ng ganito? Alamin ang paliwanag ni Theophilus, isang paranormal investigator at founder ng Paranormal Phl. Panoorin ang ulat.—FRJ GMA Integrated News
