Hindi naitago ng isang pulis ang kaniyang takot nang pasukin niya ang isang madilim na bahay sa United Kingdom para sundan ang nakita niyang tao na pumasok. Ang pulis, napasigaw nang malakas nang may makita siya sa likod ng kurtina sa banyo.
Sa video ng Metropolitan Police Service, na mapanonood sa GMA Integrated Newsfeed, hinalughog ng pulis ang bahay hanggang sa makarating siya sa madilim na basement.
Buong tapang niyang sinuyod ang lugar hanggang sa umabot na siya sa isang banyo.
Pero hawiin niya ang shower curtain, napasigaw siya nang malakas sa kaniyang nakita.
Ang inakala raw kasi niyang multo sa bathtub, isa palang convicted na babaeng drug dealer na nagtatago sa batas.
“A female was charged with breaching her bail conditions and is still awaiting sentencing for possession with intent to supply Class B [drugs],” ayon sa Metropolitan Police Service.
“I’m down here. She gave me the fright of my life. I can’t lie,” sabi ng pulis sa kaniyang mga kabaro.
Nasa kustodiya na ng pulisya ang babae, at hindi na nagbigay ng dagdag na impormasyon ang pulisya tungkol sa kaniya.
Tila naging comedy din ang isang operasyon ng Little Elm Police Department sa Amerika, matapos nilang sagpin ang isang kambing sa gilid ng highway.
Natatakot pa ang pulis na hawakan ang kambing kaya pinakiusapan niya na lamang ito na sumama sa kanila.
“‘Go in! Let’s go for a ride,’” pakiusap ng pulis sa kambing.
Nang maisakay na ng pulis ang kambing sa kanilang police mobile, binasahan pa niya ito ng Miranda rights.
Pinost nila ito para mahanap ang may-ari ng kambing.
“Your goat is currently being detained by Little Elm Police Department for unspeakable crimes that include: excessive bleating, suspiciously adorable head-tilting, and the alleged theft of at least three morning routines,” mensahe ng Little Elm Police Department.
Pansamantalang isinailalim ang kambing sa kustodiya ng Animal Control sa Denton County, Texas.
Ayon sa pulisya, pakakawalan lamang nila ito kung makapagbibigay ng piyansa ang may-ari.
"Bail accepted in the form of hay, carrots, and sincere apologies,” mensahe pa ng awtoridad sa may-ari. – Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News
