Nang sumali sa segment na "Will To Win," marami ang naantig nang ibahagi 11-anyos na si Mandy kay Willie Revillame kung bakit nakakulong ang kaniyang ina  nang dahil sa droga. At sa episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho" nitong Linggo, mas nakilala ang batang mang-aawit na maagang natutong lumaban at maging matatag sa hamon ng buhay. 

Sa likod ng murang isipan, maagang natuto sa responsibilidad si Mandy sa pag-aalaga sa mga nakababata niyang kapatid mula nang makulong ang kanilang ina nang dahil sa droga dalawang taon na ang nakararaan.

Para madagdagan ang kita, sumasali siya sa mga amateur singing contest at nagkaroon ng break na makasali sa "Will To Win" segment ng "Wowowin" kung saan ipinamalas niya ang talento niya sa pag-awit.

Naranasan man niya ang hirap dahil sa epekto ng pagkalulong ng ina sa droga, hindi niya ito sinumbatan at sa halip ay pilit na inunawa ang ina.

"Kahit pagbali-baliktarin po natin ang mundo,  ang nanay po natin ay nanay po natin, hinding-hindi po 'yon mababago," paliwanag niya.

Si Mandy ang bunso sa kanilang tatlong magkakapatid sa kanilang ama na Austrian na unang minahal ng kaniyang ina. Nang maghiwalay ang kaniyang mga magulang, nagkaroon muli ng bagong kinakasama ang kanilang ina at nagkaroon siya dito ng apat na kapatid .

At kahit dama ni Mandy ang kalungkutan dahil sa nasirang pamilya, kahanga-hanga ang kaniyang pagkakaroon ng positibong pananaw sa buhay at dedikasyon sa pag-aaral.

Bukod sa paglaya ng ina at muling pagbangon ng kaniyang pamilya, pangarap din ni Mandy na makita ang amang Austrian na hindi pa niya nasisilayan. Panoorin ang kaniyang kuwento sa pagtutok na ito ng "Kapuso Mo, Jessica Soho:"

Click here for more GMA Public Affairs videos:
 

-- FRJ, GMA News