Matapos lumabas ang mga espekulasyon ng netizens nang magkita silang magkasama sa isang fun run, nilinaw na ni Barbie Forteza ang ugnayan nila ng aktor na si Jameson Blake.
Sa panayam ni Nelson Canlas na ipinalabas sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabi ng Kapuso Primetime Princess na magkaibigan lang sila ni Jameson.
Inihayag din ng aktres na may ginagawa silang pelikula ng aktor at inimbitahan siya na sumali sila sa fun run.
"Actually marami ngang medyo na-confuse kasi papaano naman nagkrus ang landas namin? So nagkasama kami sa pelikula," saad ni Barbie.
"Itong recent run namin, siya naman 'yung nag-invite, just like how my other runner friends invite me to run. So 'yun lang 'yun, 'yun lang talaga 'yun. We are not together," paliwanag niya.
Inilarawan naman ni Barbie si Alden na kaniyang isa sa mga “constant” na nasasabihan niya ng problema, at hinihingan ng payo.
Tungkol naman kay David Licauco, sinabi ni Barbie na mas naging close na sila ng binata, lalo na ngayong taon.
“I think the care that we have to each other is really genuine,” ani Barbie.
Tumanggi naman si Barbie na magsalita pa tungkol sa larawan na nakitang magkausap sila ng dating nobyo na si Jak Roberto sa GMA Network's Beyond 75 anniversary event.
Nitong nakaraang Enero nang ihayag nina Barbie at Jak ang kanilang paghihiwalay matapos ang pitong taong relasyon.
Sa 16 na taon niya sa showbiz, sinabi ni Barbie na naranasan na rin niya ang tinawag niyang “highs and lows”
"Pero ang naging consistent since day one 'yung respeto sa akin ng mga tao. Even the people around me, see how much I respect everyone's time, my craft, my passion, and 'yung trabaho ng lahat," ayon kay Barbie.
Mapapanood sa July 30 ang pelikula ni Barbie n "P77," o “Penthouse 77,” kasama sina Euwenn Mikaell, Gina Pareño, at Jackie Lou Blanco, sa direksyon ni Derick Cabrido.
Napapanood din si Barbie sa TV series na "Beauty Empire," kasama sina Kyline Alcantara, Ruffa Gutierrez, South Korean actor Choi Bo Min, mula Lunes hanggang Huwebes sa ganap na 9:35 p.m. sa GMA Network, at available din sa streaming platform na Viu. —FRJ, GMA Integrated News
