Nakatanggap si Barbie Forteza ng “very good” mula sa kaniyang co-star na Korean na si Choi Bo-min sa pag-deliver niya ng Korean lines sa kanilang series na “Beauty Empire.”
“Super na-appreciate ko nu’n si Choi Bo-min, kasi kino-correct niya naman ako kung mali ako eh. Pero ‘yung umere, vinery (very) good niya ako nu’n,” sabi ni Barbie sa panayam sa kaniya ni Nelson Canlas sa GMA Integrated News Interviews, na iniulat din sa Unang Balita nitong Miyerkoles.
Sa likod nito, pinag-aralan ni Barbie ang kaniyang Korean lines ng 15 minuto.
Sa kasalukuyan, number one sa Viu Philippines ang Kapuso revenge murder mystery series na patunay na marami ang tumatangkilik na viewers.
Rivals man ang mga karakter nina Barbie at Kyline Alcantara sa series, in real life, super besties sila. Nakakatulong ang kanilang samahan sa pagtimpla nila sa mga eksena.
“Ngayon ko lang siya na-experience as an actress. At masasabi ko na she's very delightful and generous. And she's very genuine when it comes to giving emotions sa eksena,” sabi ni Barbie tungkol kay Kyline.
“Hanggang ngayon, may kaunting kaba pa rin at may nginig pa rin sa baba kapag ka-eksena ko si Barbie. Kasi napakagaling po ni Barbie. ‘Pag titignan ka pa lang niya, iba na,” sabi naman ni Kyline tungkol kay Barbie.
Napanonood ang “Beauty Empire" sa Viu, at sa GMA Prime tuwing Lunes hanggang Huwebes sa ganap na 9:35 p.m.—Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News
