Bago nakakuha ng stable na trabaho bilang nurse sa Amerika, inilahad ng aktres na si Kim Delos Santos na iba’t ibang trabaho ang kaniyang pinasukan. Kabilang rito ang pagiging kahera, taga-ayos ng pagkain, at tagalinis ng sahig. Sa kabila nito, “thankful” ang aktres sa naturang mga karanasan.
Sa isang episode ng “Fast Talk with Boy Abunda,” ibinahagi ni Kim na bagaman malayo sa glamorosong buhay-artista ang pinasok niyang mga trabaho sa Amerika, ang mga ito naman daw ang nagturo sa kaniya na maging mapagkumbaba.
Sa kaniyang pagiging nurse, naranasan na raw niyang mamura ng pasyente pero nangibabaw ang kaniyang pang-unawa.
“Namura na ako ng isang pasyente ko. I was called a very derogatory word. Kaya lang, Tito Boy, because, you know, they're sick, intindihan mo na lang,” kuwento ni Kim na kasama noon sa hit show na TGIS.
Nagpapasalamat si Kim sa kaniyang mga naranasan na mga trabaho sa nagdaang 20 taon mula nang iwan niya ang buhay-showbiz at magpasyang mangibang bansa.
“Kasi kahit mas everything that happens, we actually mentioned this, it happens for a reason. And then it's how you use your lessons that are given to you is what matters. You can make something negative into something positive,” paliwanag niya.
“So I left here broken-hearted, but it was replaced with me being able to go back to school, experiencing my life in America, and then humbling myself. Alam mo, lahat ng pag-humble ko galing sa paghihirap sa trabaho,” pagpapatuloy ni Kim.
Ayon sa kaniya, naranasan niyang maging “pampered” at tila madali lang kumita ng pera noong artista pa siya. Ngunit noong nagsimula siyang muli sa pinaka-ibaba, natuto siyang makisalamuha pa sa mga tao.
“‘Yung first job ko, I was a cashier. I was helping prepping food, 'yung yogurts in the back. And then nag-coffee shop pa ako. So those are like three different positions. Tapos nag-stock pa ako ng mga office supplies, 'yung tea, sugar, milk sa mga seven floors,” pagbahagi niya.
Napaiyak daw siya nang maranasan niya sa kaniyang buhay na mag-mop o maglinis ng sahig.
“The last part was mopping the floor. Tito Boy the first time I mopped the floor, I was crying like crazy. I was crying like crazy kasi sabi ko, I’ve never done this in the Philippines. Tapos sabi ko, ‘Dino, ikaw talaga!’ I was like, ‘Dino, kasalanan mo ‘to eh!,’” natatawa niyang balik-tanaw.
Tinutukoy ni Kim si Dino Guevarra, ang kaniyang dating asawa, at dating aktor na kasama niya sa TGIS.
Kuwento pa ni Kim, nakita ng kaniyang boss ang kaniyang pag-iyak kaya tinulungan siya nito.
“But then, my boss saw me crying. And he was like, ‘What's wrong?’ Naaawa siya sa akin. Plus I made a mess. Talagang may pile ng water diyan na parang may flood, mop ako nang mop. Tapos walang napupuntahan, nadudumihan lang lalo. So then he was like, ‘I'll mop the floors. Just put the chairs on top of the tables.’ Siya na nag-mop every night,” patuloy niya.
Inilahad din ni Kim na nagpasiya siyang umuwi sa Pilipinas dahil stable na siya sa Amerika, at gusto niyang balikan ang pag-arte na nami-miss niya.
“Sabi ko, ‘At this point, I just want to give it one last try and see if things work out. If it doesn’t, I have a stable job in the U.S., I can always go back po,” ani Kim.
“Ayoko lang pong magkaroon ng ‘What if?’ What if I tried… Kasi it’s bad to live with regrets. I believe in that. So I said ‘Let me give myself one last try. If things work out, thank you po Lord. If not, thank you pa rin,’” sabi ni Kim. – FRJ GMA Integrated News
