Nagbabalik-showbiz si Kris Bernal matapos siyang pumirma ng kontrata sa Sparkle GMA Artist Center.

“Very humbling and very meaningful sa ‘kin ‘tong araw na ‘to kasi it’s not just the next step in my career, pero parang it’s a pause din for me to parang reflect on the shows na ginawa ko with GMA Artist Center pa before, now na Sparkle na,” sabi ni Kris sa GMA News Online.

Ginanap ang contract signing event sa boardroom ng GMA Network sa Quezon City nitong Martes.

Present sa contract signing sina GMA Senior Vice President for Programming, Talent Management, Worldwide, and Support Group at GMA Films President Atty. Annette Gozon-Valdes; Sparkle GMA Artist Center and Talent Development and Management First Vice President Joy Marcelo; at Sparkle Senior Talent Manager na si Tracy Garcia.

Pakiramdam ni Kris na balik-tahanan siya pagkatapos ng kaniyang contract signing.

“Ang daming memories and flashback, and it’s so good to be back,” ani Kris.

Katunayan, hindi inakala ni Kris na makababalik pa siya.

“Kasi siguro parang nasa isip ko, masyado kong in-e-embrace ang pagiging mommy na sa totoo lang, wala na ‘ko masyadong time for myself and at saka wala na rin akong time to do other things. So naisip ko, makakabalik pa ba ‘ko sa showbiz?” saad niya.

Ngunit nahanap na raw ni Kris ang tamang balance sa pagitan ng trabaho at pagiging isang ina, “so ngayon sabi ko, kaya ko na, makakabalik na ‘ko. And very thankful ako sa GMA kasi tinanggap nila ‘ko ulit.”

“Marami na rin kasi siguro akong nakita na ‘pag nagiging mommy na, parang nag-se-settle na sila and then they didn’t want to go back to showbiz na, okay na sila. So hindi ko akalain na pwede pa pala,” sabi pa niya.

“Siguro by choice pa rin talaga if gusto mo or hindi na,” pagpapatuloy niya. “Pero ako siguro dahil kaya ko pa at na-mi-miss ko rin ‘yung acting, na-mi-miss ko ‘yung trabaho, na-mi-miss ko ‘yung industry kaya gusto ko bigyan ng oras.”

Nakilala si Kris matapos tanghaling Ultimate Love Team sa “StarStruck” noong 2006. Nagpahinga siya sa showbiz nitong mga nakaraang taon matapos isilang ang anak nil ani Perry Choi na si Hailee.

Nagkaroon ng acting comeback si Kris sa isang episode ng “Tadhana” noong Marso.

Pumirma rin ng kontrata sa Sparkle GMA Artist Center si Teejay Marquez.—Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News