Iniwan na ni Manny Pacquiao ang kompetisyon sa “Physical: Asia” na napapanood sa streaming platform na Netflix.

Sa Episode 5 ng programa, humingi ng paumanhin ang Pambansang Kamao na kailangan niyang umalis nang maaga kahit kasali pa sa kompetisyon ang Pilipinas.

“I have to leave the competition and return to the Philippines because of another obligation in my home country,” paliwanag ni Pacquiao pero hindi niya sinabi kung ano ang naturang “obligasyon.”

“I also want to apologize to my team,” dagdag niya. “As a team captain, I was really proud to have the opportunity to represent the Philippines."

Humalili kay Pacquiao si Justin Hernandez bilang captain ng Team Philippines. Si Justin ang una at tanging Filipino male athlete na sumabak sa CrossFit Games.

Una rito, ipinakita ng programa kung papaano natuwa at namangha ang ibang manlalaro mula sa ibang bansa nang makita nilang kabilang sa Team Philippines si Pacquiao.

Simula sa Episode 6, bubuuin ang Team Philippines nina Justin,  Fil-Am national team sambo athlete Mark “Mugen” Striegl, strongman Ray Jefferson Querubin, national rugby team player Justin Coveney, national hurdler Robyn Lauren Brown, at CrossFit athlete Lara Liwanag.

Ang "Physical: Asia" ang pinakabagong season ng Physical: 100 franchise. Ang show ay team competition na nilalahukan ng mga pangunahing atleta mula sa iba’t ibang bansa.— mula sa ulat ni Hermes Joy Tunac/FRJ GMA Integrated News