Sina Waynona Collings at Reich Alim ang mga unang Kapuso at Kapamilya housemates na napatalsik mula sa "Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition 2.0."
Sa unang eviction night nitong Sabado, sina Waynona at Reich ang nakakuha ng pinakamababang porsyento ng boto na may 43.06% at 11.69%.
Marked safe naman ang iba pang mga nominado sa eviction na sina Princess Aliyah at Fred Moser.
Paglabas nila ng Bahay ni Kuya, ipinalarawan kina Waynona at Reich sa isang salita ang kanilang PBB journey.
Emosyonal si Waynona na sinabing, "Eventful."
Si Reich, sinabing naging "amazing" ito.
Sinalubong si Waynona ng kaniyang kapatid, habang si Reich naman ay sinalubong ng kaniyang ina.
Sa unang gabi ng nominasyon nitong linggo, awtomatikong ligtas sa pagkatanggal ang Adorable Taskmashers (Ashley Sarmiento, Eliza Borromeo, Lee Victor, at Miguel Vergara), habang walang natanggap na mga boto ang Fighting Sweethearts (John Clifford, Iñigo Jose, Krystal Mejes, at Marco Masa).
Nagsimulang ipalabas ang "Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition 2.0" noong Oktubre 25. Tampok sa ikalawang season ang 20 Gen Z celebrities mula sa Sparkle at Star Magic.
Napanonood ang "PBB Celebrity Collab Edition 2.0" gabi-gabi ng 9:40 p.m., Sabado ng 6:15 p.m., at Linggo ng 10:05 p.m. sa GMA. — Jamil Santos/VBL GMA Integrated News

