Inilahad ni Herlene Budol ang kaniyang kondisyon kung sakaling muli siyang sasali sa mga pageant.

Sa podcast na “I-Listen with Kara David,” tinanong ni Kara si Herlene kung may balak pa siyang sumali ulit sa mga pageant, o masaya na siya sa pagiging artista.

“Masaya na po ako sa pag-artista. Pero siyempre, sumali ako ng pag-pageant po dati, kasi may kapalit na bahay at lupa. Eh kung may offer ulit na bahay at lupa, eh ‘di sasali ulit po ako,” sagot niya.

Proud si Herlene sa kaniyang mga natutunan sa pagiging isang beauty queen.

“Naging mas feminine ako ng little bit. Tapos, marami po ako natutunan, nakapag-inspire po ako ng mga kabataan na akala nila hindi nila kaya, na puwede naman pala, na huwag silang matakot dahil sa wala silang pera. Dahil kagaya ko, may ibang taong tumulong sa akin.”

Pinasalamatan din ni Herlene ang dati niyang talent manager na si Wilbert Tolentino sa pagtulong nito sa kaniya sa pagsali niya sa mga pageant at paglabas sa TV.

“So, kailangan manalig ka lang din talaga sa kakayanan na meron ka. Kung hindi mo ‘yun nakikita sa sarili mo, meron taong tutulong sa iyo para iangat ka. So, Sir Wilbert ‘yung sa akin.”

“Siyempre, du'n sa isang Will ng buhay ko din, kung hindi naman din dahil sa kaniya, hindi ako makakapasok sa TV. Dahil sa ibang tao, kaya ako nandito. Kaya ako may mga trabaho kasi dahil sa mga tao, sumusuporta din sa akin,” pagpapatuloy niya.
 
Pinuri naman ni Kara si Herlene dahil sa pagiging masipag, matalino, at kagandahan ng kalooban nito.

Ayon kay Herlene, patuloy siyang nag-aaral ngayon, ngunit hindi muna siya nagdetalye kung anong kurso o larangan ito.

“Willing to learn pa rin naman ako, Miss Kara. Hindi ko naman kino-close ‘yung door na hanggang dito na lang ako. Nag-aaral pa rin naman po ako. Secret. ‘Pag nagka-diploma ako, po-post ko na lang.”

Pinuri naman ni Kara si Herlene sa pagpupursigi nito.

“Palaging sinasabi ng mga scholars, ‘Salamat sa iyo, Miss Kara,’ kasi pinaaral mo kami. Pero ang totoo niyan, kahit na gaano karaming tulong ang ibigay mo sa isang tao, kung 'yung taong ‘yun hindi marunong magpursige at hindi marunong magpakalakas, at hindi marunong pahalagahan 'yung tulong na 'yun, wala rin mangyayari eh. So, tulong nga lang 'yung binigay ng ibang tao, pero majority nu’n, ng effort nu’n, sa iyo. So you have to give yourself a pat on the back.”

Para naman kay Herlene, “Huwag mo sayangin 'yung oportunidad na ibinigay sa iyo. Ako, wala akong sinayang. Talagang grinab ko po lahat. Basta alam kong para sa pamilya din, sabi ko, ‘Papatulan ko ‘to.’ ‘Pag ako, naging successful talaga, tutulong din ako.”

Kinoronahan si Herlene bilang Miss Philippines Tourism sa Miss Grand International pageant noong Hulyo 2024. Siya rin ang itinanghal na first runner-up ng Binibining Pilipinas 2022. —Jamil Santos/AOL GMA Integrated News