Aminado si Herlene Budol na hamon pa rin sa kaniya ang pagsasalita ng Ingles, kaya malaki ang pasasalamat niya sa manliligaw na si Kevin Dasom na nagtuturo sa kaniya nito.

“Ayun nga ‘yung problema ko. Tapos naman ako ng pag-aaral pero 'di ko talaga makuha-kuha 'yung pag-i-English na ‘yun. Sa mga kabataan ngayon, kahit wala sa hitsura 'yung mga bagets, talagang may English,” sabi ni Herlene sa i-Listen with Kara David.

“Kita mo talagang uhugin, pero talagang, ‘Mommy, why is my ganiyan ganiyan?’ May English ‘day,” dagdag ni Herlene.

Kuwento ni Herlene, ilan sa mga pinanonood niyang cartoons ang wala masyadong mga pag-uusap sa English, kaya hindi niya agad natutunan ang dayuhang lengguwahe.

“So wala akong natutunan sa kanila. Sabi ko, ‘Malas ko naman ng kabataan ko,’” biro ni Herlene.

Ngunit ayon kay Kara, “Hindi naman sukatan ng katalinuhan ang pag-i-English.”

Para naman kay Herlene, “Minsan kailangan talaga. Masarap din siguro pakinggan 'pag marunong ka din mag-English.”

Dahil dito, mas gusto raw kausap ni Herlene ang mga dayuhan dahil hindi nanghuhusga ang mga ito, hindi katulad ng ibang kapuwa Pilipino.

“Pero mas masarap kausapin 'yung mga ibang lahi. Kasi mga kapwa kong Pilipino, sila pa 'yung perfectionist. Pero kapag ibang lahi, hindi ka jina-judge,” pahayag ng aktres.

Tila kinilig si Herlene nang mabanggit ni Kara ang kaniyang kapwa artista na si Kevin Dasom, na nanliligaw sa kaniya.

“Siya rin kasi ‘yung nagturo sa'kin. ‘Huwag kang mahiya. Kung gusto mo mag-English,  mag-English ka lang.’ Pero nakatulong siya,” kuwento niya.

Sinabi ni Herlene na pursigido siya na mas matuto pang mag-Ingles.

“‘Yun nga hindi ko alam ‘yun. Verb, noun, adjective. Totoo nga. Babalik nga ulit ako doon. Hindi maganda 'yung naging tutor ko,” sabi niya.

“Promise talaga ha. Aalamin ko siya isang araw. May notebook ako, Ms. Kara. Ang pinag-aaralan ko gano'n. Kasi 'pag nag-pretend pa ako ng talino-talinuhan, 'pag nagkamali ako, mas pagtatawanan ako,” dagdag niya.

Paalala naman ni Kara, “Basta itong tandaan mo, hindi nasusukat sa wika ang katalinuhan ng isang tao.”

Dahil dito, inilahad ni Herlene ang kaniyang pangarap na role.

“Sabi ko nga kung ako magiging artista sa ibang bansa, kung gusto ko, pipi. Para hindi ako mahirapan sa lines, mag-focus ako sa acting na lang, 'di ba? Malay mo naman. Kasi ‘pag English, hindi talaga makakabuo ng isang sentence na tama,” ani Herlene. – FRJ GMA Integrated News