May hindi malilimutang karanasan si Miguel Tanfelix habang ginagawa ang horror movie na "KMJS' Gabi ng Lagim The Movie," nang bigla siyang mawalan ng malay habang nagsu-shooting sa barko.
Sa panayam ni Nelson Canlas na ipinalabas sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabi ni Miguel na nasa basement sila ng barko sa Manila Bay nang mangyari ang insidente.
"Wala masyadong air flow na nangyayari sa set namin and then 'yung set namin pinuno namin ng usok. Eh sa scene na ‘yun kailangan parang hysterical ako, so nagsisisigaw ako, tapos nakahiga pa 'ko sa floor, so nalanghap ko lahat ng usok," kuwento niya.
Ayon kay Miguel, kinailangan niyang sabihin sa direktor na itigil muna ang eksena dahil nararamdaman niyang mawawalan na siya ng malay.
"Sabi ko, 'Direk, direk, wait, hihimatayin yata ako.' 'Yun na 'yung last kong naalala. Tapos [nang makamalay] nakapaligid na sa 'kin si direk, may medics na diyan, umiinom ako ng tubig," dagdag niya.
Sinuri umano ang kaniyang blood pressure at naging maayos naman daw ang lahat kinalaunan, ayon pa sa aktor.
"Para sa 'kin nakakatakot 'yun kasi first time mangyari sa akin 'yon na parang gumalaw 'yung mundo tapos ako, hindi ko alam kung anong nangyari sa 'kin," saad niya.
Kabilang si Miguel sa mga bida sa tatlong kuwento ng katatakutan na matutunghayan sa "KMJS' Gabi ng Lagim The Movie." Kasama niya sa pelikula sina Jillian Ward, Sanya Lopez, Elijah Canlas, at marami pang iba.
Mapapanood sa mga sinehan ang pelikula simula sa November 26. —FRJ GMA Integrated News
