Matapos ang kontrobersiyal na 2025 Miss Universe, inihayag ni Catriona Gray na hangad niyang magkaroon ng mas malinaw na judging guidelines at transparency sa mga susunod na kompetisyon ng prestihiyong beauty pageant.

Sa kaniyang Instagram Broadcast Channel, sinabi ng Miss Universe 2018 queen na ngayon lamang niya lubusang napanood ang pageant nitong Sabado mula sa biyahe. Nagpasya siyang ibahagi ang kaniyang personal na pananaw dahil maraming followers umano ang nagtatanong.

Nilinaw ni Catriona na hindi pa siya kailanman nagsilbing Miss Universe judge at wala siyang anumang impormasyon tungkol sa kasalukuyang scoring process ng organisasyon.

“Pero assume ko lang - that after Top 30, from 0 na ang mga scores,” saad niya.

Pinuri ng Pinay beauty queen ang ilang kandidata dahil sa malalakas nilang performance, at binanggit na ang mga paborito ng fans tulad ng Thailand, Venezuela, at Colombia. Ipinunto rin niya ang consistent preliminaries at finals performances ng Philippines at Côte d’Ivoire, kaya hindi na raw nakagugulat na nakapasok ang mga ito sa Top 5.

“When it came to the Q&A, the selection of initial questions were good! Although I had super high expectations for the final word cause - I mean sa totoo guys, super basic yung tanong na yan in preparing for MU. If you dont have a super solid answer for that question, ewan ko nalang,” dagdag niya.

Tinukoy niya ang Côte d’Ivoire bilang personal niyang best performer sa initial Q&A, at ang Philippines naman bilang pinakamalakas sa final word.

“But again, kung judge ako - I really value communication skills, so q&a means a lot to me personally,” ani Catriona. “But just to share, I've sat on judging panels both locally and abroad and I have experienced (some, not all) being surprized by the results. Sometimes, the 'taste' of judges really is different. Baka they value a certain look, beauty, type of walk - basta, baka may personal trip lang nila. We dont know eh.”

Patuloy niya, “What i would like to see though, is transparency of criteria of judging, how is it being scored and to have an official tabulating firm in MU.”

Ayon kay Catriona, ang lagi niyang ipinagdarasal ay ay magkaroon ng patas na kompetisyon para sa mga kandidata.

“So my question becomes for the MU org. I hope moving forward they can regain the trust of the fans by having a more transparent judging process with a third party official tabulator. The doubts of us fans are not unfounded with multiple statements from judges and meant to be judges. It's disheartening considering all the effort, sacrifices, and dreams that were up there on that stage,” patuloy niya.

Ikinalungkot din niya ang negativity na ibinabato umano kay Fátima Bosch ng Mexico. Aniya, hanga siya kung paano ipinaglaban ng bagong koronahang Miss Universe ang sarili niya sa maagang bahagi ng kompetisyon.

Umaasa siyang gagamitin nito ang kaniyang platform para makagawa nang mabuti.

“I'll be watching to see how she utilizes the platform to make a positive impact with her title as Miss Universe,” sabi ni Catriona.

Sa pagtatapos ng kaniyang mensahe, hinikayat ni Catriona ang fans na patuloy na iangat ang kanilang mga pambato anuman ang naging resulta.

“Ayun ang 2 cents ko. I hope the best years of MU aren't behind us. Let's uplift our girls and tell them how they impacted us, made us proud - and when they pursue their respective journeys lets support them,” payo niya.

Si Ahtisa Manalo ang naging pambato ng Pilipinas, at itinanghal na third runner-up sa Miss Universe 2025.

Pagkatapos ng pageant, inakusahan ng nagbitiw na Miss Universe judge na si Omar Harfouch na “rigged” umano ang resulta at tinawag niyang “fake Miss Universe” si Fátima.—Carby Rose Basina/FRJ GMA Integrated News