Balik-ospital si Ate Gay isang buwan matapos niyang makumpleto ang kaniyang treatment para sa cancer.

Sa kaniyang Facebook post, ibinahagi ng komedyante ang isang larawan niya habang naka-confine sa Asian Hospital and Medical Center sa Muntinlupa City.

“Late na ako nakaranas ng side effect .. di makakain dahil sa daming singaw ng bibig ko kaya nagpaconfine..48hrs yan nakatusok sa akin yan muna ang paraan ng pagpapakain,” sabi niya.

Noong Nobyembre, sinabi ni Ate Gay na "graduated" na siya sa radiation at chemotherapy.

Sa isang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho" noong Setyembre, isiniwalat ni Ate Gay ang kaniyang diagnosis ng Stage 4 cancer, at mula noon, bumuhos ang mga biyaya para sa komedyante.

Isang hindi nagpakilalang doktor ang tumulong sa kaniya sa kaniyang radiation therapy sa Asian Hospital, habang isang tagahanga ang nagpahiram ng isang malapit na condo unit para sa kaginhawahan ng komedyante.

Pagkatapos ng anim na araw na paggamot, kitang-kita ang pagliit ng bukol sa kaniyang leeg. Sa isang panayam kay Nelson Canlas noong Oktubre, inihayag ni Ate Gay ang naging gamutan sa kaniya na 35 araw na radiation at limang beses na chemotherapy. – Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News