Inalala ni Jackie Lou Blanco na may crush noon si Ricky Davao kay Snooky Serna, at ibinahagi ang masasaya nilang pagsasama sa showbiz.

“Ang alam ko si Ricky, ang crush niya talaga si Snooky. Tapos magge-guest dapat siya sa ‘GMA Supershow.’ Kakanta raw sila. Eh hindi nakarating si Snooky,” kuwento ni Jackie sa guesting nila ni Snooky sa "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Biyernes.

Paliwanag naman ni Snooky, debut niya noon kaya siya hindi nakapunta.

“‘Di ba kasi, Jack (Jackie), debut ko ‘yon. Tapos special ng Tito Germs, debut ko kasi. Tapos si Ricky, may duet kami ni Ricky. Ang nangyari, ‘yung voice ko, di-nub ni Jack kasi nag-no show ako. I’m so embarrassed, no show,” kuwento ni Snooky.

Pagbabahagi naman ni Jackie tungkol sa paghanga ni Ricky kay Snooky, “That’s what I remember. He always found Snooky so beautiful.”

Sa kabila nito, hindi naman daw nagselos si Jackie, “Hindi naman. Okay lang ‘yon.”

Mayo 2025 nang pumanaw si Ricky dahil sa mga komplikasyon na may kaugnayan sa cancer.

Ikinasal sina Jackie at Ricky noong 1989. May tatlo silang anak na sina Kenneth, Rikki Mae, at Ara.

Makakasama sina Jackie Lou at Snooky Serna sa upcoming series na "House of Lies" na pangungunahan nina Beauty Gonzalez, Kris Bernal, Mike Tan, at Martin Del Rosario, na mapanonood na sa Enero 19 ng 3:20 p.m. sa GMA Afternoon Prime. – FRJ GMA Integrated News