Sinabi ni Heart Evangelista na ang dati niyang ka-loveteam at naging nobyo noon na si John Prats ang kaniyang unang pag-ibig.
Ibinahagi ito ng Global Fashion Icon noong Huwebes sa programang Fast Talk with Boy Abunda, nang binalikan niya ang naging relasyon nila ng aktor at kung gaano pa sila kabata noon.
“Looking back and when I saw him again, I realized that I think I dethroned him by giving him the title of first love kasi pinaiyak niya ‘ko ah,” ayon kay Heart.
“Brutal kami sa isa’t isa, so inisip ko, hindi naman ‘yun pagmamahal kasi parang brutal kami na ano…,” dagdag niya. “Kasi we grew up together, six years of my life. From 13 to 20, 19 kami ‘yung loveteam eh.”
Ayon pa kay Heart, nakakalito noon ang relasyon nila ni John kung trabaho ba o pag-ibig.
Patuloy niya, siya ang nagpakilala at naglapit kay John, sa naging asawa ng aktor na si Isabel Oli.
“Nag-uusap pa lang sila and nag-te-taping kami together ni Isabel Oli, and pini-pair ko sila,” ani Heart.
Samantala, sinabi rin ni Heart na hindi pa nila napag-uusapan ang posibilidad ng reunion ng G-Mik.
“Never ko talaga naisip ‘yon until sa dumating siguro ‘yung moment na nag-reconnect kami nila Angelica [Panganiban], nila John,” sabi ng aktres. “Malay natin, you never know."
Nitong nakaraang Marso, muling nagkita sina Heart at John at nagpa-picture nang magkasama.
Ibinahagi ni Heart ang mga larawan sa Instagram na may caption na “Miss and Yuan forever,” na tumutukoy sa kanilang mga karakter sa “G-Mik.” —Nika Roque/FRJ GMA News
