May handog na photo book para sa kaniyang fans at mga tagasuporta ang Kapuso Pantasya ng Bayan na si Kim Domingo. Hindi naman siya makapaniwala ngayong number two na siya sa partial tally sa botohan para sa 100 sexiest ng isang men's magazine.
Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras nitong Huwebes, extra daring si Kim para sa kanyang upcoming photo book na, "Kim Domingo: State of Undress."
Isang malaking pasasalamat daw ito ni Kim, at para lalo raw siyang makilala ng kaniyang mga tagasuporta.
"May transition from innocent tapos pa-sexy nang pa-sexy," aniya. "Sa book na 'yon mas makikilala ako ng mga fans ko, yung mga taong sumusuporta sa akin. Kasi doon nila makikita kung paano ba nagsimula si Kim Domingo."
Samantala, hindi pa rin daw makapaniwala si Kim na narating niya ang ang ikalawang spot sa FHM 100 sexiest sa unofficial tally o partial results ng botohan.
Pero gayunman, malaking bagay na raw ito para sa aktres.
Noong nakaraang taon, nasa number 9 si Kim.
"Unexpected. So sana tuluy-tuloy pa rin ang pagboto. At ngayon na magde-deadline. Pero kung ano man ang kalabasan ng resulta, happy ako," saad niya.
Ayon pa kay Kim, pinaghihirapan raw niya ang mas pagandahin pa ang kanyang pangangatawan para sulit daw ang efforts ng mga bumoto sa kanya.
Nag-imbita rin siya na magkita-kita sa gagawin niyang pagrampa sa presentation night ng naturang men's magazine. -- FRJ, GMA News
