Sa dalawang taon nang pagiging magkasama sa variety-comedy show na "Sunday Pinasaya," naging close na sa isa't isa ang mga host ng programa tulad nina AiAi Delas Alas at Barbie Forteza.

Sa ulat ng GMA News "Unang Balita" nitong Huwebes, nagbigay ng trivia tungkol sa isa't isa sina AiAi at Barbie.

Ayon kay Barbie, sobrang disiplinado si AiAi pagdating sa trabaho at maging sa mga kinakain para mapanatili ang healthy lifestyle nito.

Puring-puri naman ng concert comedy queen ang pagiging simple at walang arte sa katawan ni Barbie.

"Sabi ko sa kaniya, 'Barbie, dalagang-dalaga ka na, ang ganda-ganda mo na," ani AiAi.

Sinabi naman ni Barbie na hindi naman nakakalimot si AiAi na mag-uwi ng mga pasalubong mula sa mga bakasyon nito abroad.

At kahit busy sa trabaho, hindi raw nakakalimutan ni AiAi ang magsimba.

Ibinisto naman ni AiAi kung bakit very happy at blooming ngayon si Barbie.

"Love life niya. Hindi mo siya makikitaan na malungkot siya," ayon kay AiAi, na sinundan naman ng masayang sagot na "yes!," ni Barbie.

Mayroong month-long celebration ang "Sunday Pinasaya" na nagdiriwang ng kanilang ikalawang taong anibersaryo.-- FRJ/KVD, GMA News