Sa pambihirang pagkakataon, sinang-ayunan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang inihayag ng kaniyang pangunahing kritiko na si Senador Antonio Trillanes IV tungkol sa isinampang kaso ng Ombudsman laban kay dating Pangulong Benigno "Noynoy" Aquino III, tungkol sa Mamasapano operation.

Sinabi ni Trillanes nitong Miyerkules na magiging masamang halimbawa ang isinampang kaso kay Aquino dahil sa pumalpak na operasyon ng pulisya sa Mamasapano na ikinamatay ng 44 na kasapi ng Special Action Force (SAF) noong 2015.

Ang pahayag ni Trillanes ay kasunod ng isinampang kaso ng Ombudsman sa Sandiganbayan laban kay Aquino na graft at usurpation of official function.

Kaugnay ito ng patuloy umanong pagkonsulta ni Aquino tungkol sa operasyon sa noo'y suspindidong PNP Chief  na si Alan Purisima.

Ayon kay Trillanes,  dahil sa naturang ikinaso kay Aquino, maaaring makasuhan din ang mga susunod na pangulo o commander-in-chief kapag pumalya sa kanilang misyon ang pulisya at maging ang militar.

"It will set a bad precedent kasi otherwise lahat ng palpak na mission sa AFP and PNP ay puwede mong file-an ng kaso yung commander-in-chief. Hindi puwede yun," aniya Trillanes.

Para sa senador, ang dating PNP-SAF Director na si Getulio Napeñas ang dapat managot sa nangyaring pagkamatay ng mga tauhan sa Mamasapano operation.

"Binigay niya [Aquino] ang order kay Mr. Napeñas at binigyan ng resources, so sa amin ‘yung commander, ikaw ang responsible kapag pumalpak," ayon kay Trillanes.

Hindi mo puwedeng isisi sa taas, sa presidente yung kapalpakan mo na sabihin e 'kaya ako pumalpak kasi binigyan ako ng order ng presidente.' Hindi puwede yun."

Bago lumipad patungong Vietnam para dumalo sa APEC Summit nitong Miyerkules, sinabi ni Duterte na tama ang pananaw ni Trillanes sa naturang usapin sa kaso ni Aquino.

"For the first time or for the second or third time, Trillanes has a good point there,” ani Duterte sa news briefing sa Ninoy Aquino International Airport.

“Supervision and control means he can overturn your decision or will decide to exercise the function itself. All those under the appointed officers, lahat ‘yan sila under the control," saad niya.

"‘Yung function ng police, function ng military, the — the President can always intervene, modify, amend, or change altogether your ideas,” sabi pa ni Duterte.

“So if the main figure overrules the shadow, usurpation of authority, ‘yun ang sikreto — usurpation of authority. You cannot usurp what is inherently your duty,” paliwanag pa niya.

Hindi pa nagbibigay ng pahayag si Aquino sa naturang kaso bagaman dati na niyang itinanggi ang mga alegasyon at iginiit na wala siyang nilalabag na batas. -- FRJ, GMA News