Nahuli-cam sa Arnaiz Avenue sa Pasay City nitong Miyerkoles ng hapon ang pamamaril ng rinding in tandem sa isang lalaking nakasakay sa tricycle.

Sa ulat ng GMA News TV "QRT" nitong Huwebes, makikita sa CCTV footage ang dalawang salarin na sakay ng motorsiklo habang binabagtas ang Arnaiz Avenue dakong 3:15 pm nitong Miyerkoles.

Nasa kabilang bahagi naman ng kalsada at nakasakay sa likuran ng driver ng tricycle ang biktimang si Jayvee Avila, 30-anyos, na residente sa nasabing lungsod.

Maya-maya pa, nag-u-turn ang mga suspek at sinundan ang biktima. Nang makalapit, bumunot ng baril ang nakaangkas na salarin at pinagbabaril ang biktima na bumulagta sa kalsada.

Ligtas naman at nakatakbo ang driver ng tricycle.

Sinasabing galing umano ang biktima sa sabungan bago mangyari ang krimen.

Wala naman sa mga residente ang nakapansin sa plaka ng motorsiklo na ginamit ng mga suspek, na may takip sa mukha kaya hindi nakilala.

Limang basyo ng bala ng baril ang nakita sa lugar na pinangyarihan ng krimen. Inaalam pa ng mga awtoridad ang motibo sa pamamaril.-- FRJ, GMA News