Tulad ng marami, inaabangan din ng mga artista ang summer season dahil pagkakataon ito na makasama ang kanilang pamilya at mga mahal sa buhay—sa sarili nilang rest o beach house.

Sa ulat ni Lhar Santiago sa GMA News "Unang Balita" nitong Miyerkoles, sinabing matatagpuan sa Nasugbu, Batangas ang bahay-bakasyunan ng pamilya nina Zoren Legaspi at Carmina Villaroel.

Mistulang resort ang kanilang bahay-bakasyunan dahil nasa harapan ito ng beach at may sarili ring swimming pool.

Sa naturang beach house umano ginaganap ang mga mahahalagang event sa pamilya tulad nang magdiwang ng 16th birthday ng kambal nilang anak na sina Cassy at Mavy.

Samantala, pinili rin daw ng mag-asawang Ryan Agoncillo at Judy Ann Santos na bumili ng kanilang sariling beach house para mapalapit sa nature ang kanilang mga anak.

Kabilang daw sa patakaran ng mag-asawa kapag nasa kanilang bahay-bakasyunan ay walang gagamit ng gadgets para masulit ang kanilang family bonding.

Sa Batangas din makikita ang resort ng pamilya nina Camille Prats kung saan maaaring subukan ang iba't ibang water activities at makapag-relax sa magandang kapaligiran.

Bukas din sa publiko ang resort na magandang bonding place sa pamilya.-- FRJ, GMA News