Patay ang magkasintahang menor de edad sa Santa, Ilocos Sur nang sumalpok ang sinasakyan nilang motorsiklo sa isang papalikong mini dump truck. Ang ama ng lalaking biktima, ikinuwento ang sinabi ng anak na huli na niya itong pagmomotorsiklo nang paalalahanan niya na mag-ingat bago umalis ng bahay.

Sa ulat ni Alfie Tulagan sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Martes, sinabing nagpaalam sa ama ang biktimang si Leslie Dante Jr.,  na susunduin ang kaniyang kasintahan na si Rica Tabangin.

Bago umalis, pinaalalahan pa umano ni Dante Sr. ang kaniyang anak na mag-ingat dahil sa peligro ng pagmomotorsiklo kapag naaksidente.

"Mag-ingat ka kako kasi ang disgrasya sa motor walang second chance," kuwento ng nakatatandang Dantes.

Tugon umano ng anak sa ama, "Hindi pa. Kasi ito na ang huli kong magmomotor.'"

Pagdating umano sa paakyat na bahagi ng national highway sa barangay Rizal, doon na sumalpok ang sinasakyang motorsiklo ng magkasintahan sa papalikong mini dump truck na minamaneho ni Herald de Peralta.

Ayon kay De Peralta, papasok na siya sa talyer at dahan-dahan na ang takbo matapos na mag-"flasher" nang makarinig siya ng ingay nang may bumangga sa tagiliran ng kaniyang trak.

Sa kabila nito, naniniwala ang ama ng binatilyo na pagkukulang ang drayber ng trak sa nangyaring trahediya.

Walang suot na helmet ang magkasintahan nang mangyari ang sakuna.

Sinampahan ng kasong reckless imprudence resulting in multiple homicide si De Peralta. --FRJ, GMA News