Matapos na gumanap na mag-asawa sa dating Kapuso series na "The Cure," muling magkakasama sina Ken Chan at Arra San Agustin sa bagong soap na "My Special Tatay."
Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing first time na gaganap si Ken sa role na isang tao na may mental disability.
Bilang bahagi ng paghahanda sa naturang karakter, maliban sa workshop ay nakipag-usap si Ken sa ilang tao na may mental disability.
Dahil dito, mas naintindihan daw niya ang kalagayan ng mga taong may mental disability, at umaasa siya maipararating nila ito sa mga manonood.
"May isa akong na-interview ang sabi niya, 'ang tanging hiling ko lang respetuhin ako ng mga tao, sawang sawa na 'ko ma-bully,'" kuwento ng aktor.
Samantala, magsisilbing mapagmahal na best friend ng karakter ni Ken na si Boyet ang role na gagampanan ni Arra.
"Ako 'yung parang magiging support system niya, parang shoulder to cry on ganu'n. Parang best friend, like guardian angel ni Boyet," saad ng aktres.
Makakasama rin sa serye sina Jillian Ward, Bruno Gabriel, Teresa Loyzaga, Candy Pangilinan at Carmen Soriano.
Ang nagbabalik-Kapuso naman si Lilet, ang gaganap na mapagmahal na ina ni Ken.
Unang sumikat bilang singer noong 80's si Lilet.
"Dito ako lumaki sa GMA, 'yung teenage years ko," masaya niyang sabi. "This is gonna be my first soap with GMA so i'm very excited."-- FRJ, GMA News
