Pagkatapos ng mga manok, mga kambing naman ang nakitang patay sa Cagayan de Oro City. Gaya ng mga namatay na manok, hindi rin malaman kung anong hayop ang umatake sa kanila. Ang isang kambing, ulo na lang ang natira.
Sa ulat ni John Paul Seniel sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Miyerkoles, sinabing may laslas sa leeg at may sugat na tila kagat ang mga kambing nang makita sa gilid ng ilog sa Barangay Baikingon sa nabanggit na lungsod.
READ: 21 panabong na manok, hinihinalang inatake ng misteryosong 'Sigbin'
Ayon sa may-ari ng mga kambing na si Vic Tolosa, itinali niya ang limang kambing sa gilid nang ilog. Pero patay na ang mga hayop nang kaniyang balikan at ang isa ay ulo na lang ang natira.
Ang ilang residente, hinihinala na malaking aso ang pumatay sa mga hayop.
Pero si Tolosa, hinihinala na buwaya ang pumatay sa kaniyang mga alaga.
"Fifty percent na ang suspetsa ko ay buwaya. Kasi kung aso lang hindi... tapos ang isang inahing kambing nabali ang isang paa," aniya.
Hindi rin inaalis ng kapitan ng barangay ang posibilidad na baka buwaya ang umatake sa mga kambing.
Inabisuhan ng opisyal ng barangay ang mga residente na huwag muna papuntahin sa lugar ang mga bata para makaiwas sa peligro.
WATCH: Umano'y misteryosong 'Sigbin,' totoo nga ba o kathang-isip lang
Pinababantayan na rin sa mga tanod ang lugar at mag-iimbestiga rin umano ang City Veterinary Office.
Nitong lang nakaraang buwan, ilang panabong na manok ang namatay sa Barangay Kauswagan sa Cagayan de Oro City, at may mga naghihinala baka ang misteryosong "sigbin" ang umatake sa mga ito.
Pero ang City Veterinary Office, sinabing posibleng aso lang ang pumatay sa mga manok o malalaking daga.-- FRJ, GMA News
