Isang sanggol na lalaki na iniwan sa gilid ng kalsada at ginagapangan na ng langgam sa Cagayan De Oro City ang nasagip. Nang suriin ang kalagayan ng kawawang bata, natuklasan na bulag ang dalawa niyang mata.

Sa ulat ni John Paul Seniel ng RTV-One Mindanao sa "Balita Pilipinas" nitong Lunes, sinabing sa madamong gilid ng kalsada sa boundary ng Sitio Aluba at Barangay Indahag sa Cagayan de Oro City, natagpuan nina Arte Ruaya at Wilson Toledo ang sanggol dakong 1:00 pm noong Oktubre 14, na may katabing dalawang baby bottle na may lamang gatas.

Nang malaman nilang buhay ang sanggol, kaagad nila itong dinala sa himpilan ng pulisya bago inilipat sa City Social Welfare and Development o CSWD.

Ayon sa pulisya, maraming langgam sa leeg ng bata at na-sunburn din dahil tinatayang nasa apat hanggang limang oras na sa lugar ang sanggol bago nakita.

Sinabi naman ni Nida Pana, assistant CSWD, natuklasan nang suriin ang sanggol na bulag ang dalawang mata nito at tinatayang may edad na walong buwan hanggang isang taon.

Sa kabila ng kaniyang sinapit, maayos na umano ang kalagayan ng sanggol na nasa pangangalaga na ng CSWD.

Ayon sa mga residente sa lugar kung saan nakita ang sanggol, walang silang napansin na tao na nag-iwan sa bata.

Sinabi ng CSWD na may tumawag sa kanilang opisina na nagpakilalang kapatid ng ina ng bata noong Biyernes at nag-iwan ng pangalan at tirahan. Pero nang kanilang puntahan, wala naman umanong humarap sa kanila.

Ito na ang umano ang ikatlong bata na inabandona sa lungsod na nasagip na buhay.

Patuloy na inaalam ng mga awtoridad kung sino ang mga magulang ng bata, na posibleng kasuhan ng child abuse.-- FRJ, GMA News