Naging emosyonal si Kate Valdez nang idepensa niya ang sarili mula sa mga lumabas na isyu tungkol sa kaniya. Kabilang dito ang umano'y mayroon siyang "attitude problem," nagpi-feeling mayaman, at inalis siya sa "Studio 7."



Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News “24 Oras” nitong Martes, sinabing nanggaling ang mga usapin laban kay Kate sa ilang online report.

"Na-shock ako kasi hindi ko alam kung saan nanggaling so parang, wait, napaisip ako kung may nakaaway ba ako or may nasabihan ba ako nang hindi maganda,” saad ni Kate.

"Wala naman akong car, wala akong sariling bahay, nagre-rent ako and I'm proud to say na hindi ako mayaman," pagpapatuloy pa niya.

Aminado naman si Kate na mahirap kung minsan na intindihin ang dinaranas ng isang ng nineteen-year-old na tulad niya.

"It's so challenging, nasa-sad ako kasi nami-misinterpret nila ako na hindi naman talaga ako ganoon so naku-question ko ang sarili ko, 'Nasan na 'yung mga kabutihan na ginawa ko before hindi niyo ba naaalala 'yon?" anang aktres.

Itinanggi rin ni Kate ang tsismis na nawawalan siya ng proyekto dahil sa kaniyang ugali.

"'Yung issue po about 'Studio 7,' wala pong katotohanan 'yon. Honestly kasi love ako ng 'Studio 7' family ko and lahat close ko. Kaya hindi ko alam kung saan nanggagaling 'yun and I'm sad kasi naaapektuhan 'yung friendship namin," ani Kate.

Tinatawanan lang niya ang mga ibinabatong isyu sa mga nakaraang araw, pero napaluha siya sa panayam niya sa GMA News.

"'Yung mga isyung ganyan sinusubukan din kami kung gaano kami katatag o 'yung faith namin kay God, or 'yung mga taong naka-surround sa amin. And I'm happy kasi mas nanaig pa rin 'yung pagmamahal ni God sa akin, mas marami akong nari-realize na good stuff na no, na you are enough, you are loved," pahayag ng dalaga.

Inilahad ni Kate na ang tunay na dahilan kung bakit siya nagbawas ng load sa showbiz ay para makapag-concentrate siya sa kaniyang pag-aaral.--Jamil Santos/FRJ, GMA News