Sa kabila ng deklarasyon ng mga opisyal ng pamahalaan na walang rice shortage at sapat ang suplay ng mas murang NFA [National Food Authority] rice, marami pa rin ang napipilitang pumili nang maaga sa pangambang maubusan sila.
Sa ulat ni Maki Pulido sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing alas-4:30 am pa lang ay mayroon nang ilan sa pumipila sa mga tindahan na mayroong NFA rice sa Metro Manila.
“Pipilahan namin 'yan dahil 'yan ang mura. Bibili kami ng mahal [na halagang] P55, P60 Diyos ko, hindi ko kaya 'yan, ani Rosana Angulo, isang mamimili sa Pasig Mega Market.
May halagang P27 to P32 kada kilo ang NFA rice, higit na mas mura sa commercial rice na nagkakahalaga ng P42 hanggang P70 kada kilo.
Daing naman ng mamimiling si Carmelita Puno, tipid na tipid na sila sa ulam dahil sa mataas ng presyo ng bigas.
"Napakahirap. Minsan nga ang ulam na lang itlog minsan bagoong na nga lang,” sabi ni Puno.
Mas masaklap ang naging sitwasyon sa Malinta wet and dry market sa Valenzuela dahil naubusan ang mga mamimili ng NFA rice.
“Ngayon lang uli lumitaw ang NFA [rice]. Tagal ding nawala.,” ani Merly Cañero.
Inamin ng retailer na si Mark Joseph Sevilla na kulang ang suplay ng NFA rice sa kanila.
“Kasi 'yang isang delivery, 50 sacks isang araw lang, ubos na [agad] 'yan eh,” sabi ni Sevilla.
Hindi rin pinalad ang mga mamimili sa San Juan talipapa sa Malinta, Valenzuela dahil sarado ang tindahan ng NFA retailer sa lugar kaya napipilitan silang bumili ng commercial na P43 kada kilo ang pinakamura
Sa kabila ng ganitong sitwasyon, iginiit ni NFA official Rex Estoperez na sapat ang suplay ng NFA rice.
"Dapat ilabas natin 'yang bigas dahil mahirap mag-explain sa taong bayan na may naiwan pa diyan na malaki,” ani Estoperez.
Umaasa naman ang Department of Agriculture na magkakaroon ng masaganang ani sa mga susunod na buwan para humupa ang presyo ng bigas sa merkado pagdating ng Nobyembre.-- Llanesca T. Panti/ FRJ, GMA News
