Makatatanggap pa ng panibagong bonus ang mga kawani ng gobyerno sa darating na Disyembre na hindi hihigit sa P25,000. Gayunman, nakasalalay ang magandang balita sa "savings" ng kanilang ahensiya.

Sa ulat ni Maki Pulido sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, sinabing ang P25,000 bonus ay Collective Negotiation Agreement (CNA), at hiwalay sa 14th month at P5,000 cash bonus na naibigay na nitong Nobyembre 15.

Mga rank and file at manager na miyembro ng employee's organization na accredited ng Civil Service Commission ang maaaring makakatanggap ng CNA bonus.

Sabi ni Budget Secretary Benjamin Diokno, hindi nila sinabay-sabay ang dating ng bonus para hindi agad maubos ang pera ng mga kawani.

"CNA is a recognition of the workers efforts in accomplishing performance targets at lesser cost," anang kalihim.

Sa breakfast forum sa Maynila, sinabi pa ni Diokno na taunang one-time benefit ang CNA na maaaring matanggap ng mga kawani simula sa kalagitnaan ng Disyembre.

Gayunman, paalala ng kalihim sa mga kawanim; “If your agency is not able to generate savings do not expect this incentive.” -- FRJ, GMA News