Dinatnang mga hubo't hubad ang isang administrative staff ng paaralan na tulak umano ng droga at tatlo niyang parokyano sa isinagawang pagsalakay sa isang motel sa Bulacan. Ang suspek, sinisingil daw ng sex ang mga kostumer kapag walang maipambayad na pera sa droga.

Sa ulat ni Victoria Tulad sa GMA News "Unang Balita," sinabing nangyari ang pagsalakay ng mga awtoridad noong Linggo sa isang motel sa Barangay Saluysoy sa Meycauayan, Bulacan.

Sa naturang motel kinakatagpo umano ng sinasabing tulak na si Roberto Consultado, ang kaniyang mga parokyano na sina Almario Galvez, Jermaine Lingat, at Luigi Limarez, na 18-anyos lang.

Ilang pakete ng hinihinalang shabu na may halagang P7,500 ang narekober sa mga suspek at mga drug paraphernalia.

Isinagawa ng mga pulis ang buy-bust operation matapos makatanggap ng tip mula sa isang concerned citizen.

"Itong alyas 'Obet' ay involved sa pagbebenta ng ilegal na droga at ang karaniwan niyang mga parokyano mga estudyante, minors then binibigyan niya ito ng ilegal na droga then pinapagamit niya and then minomolestiya," sabi ni Sr. Insp. Michael Bernardo ng Meycauayan, Bulacan.

Ayon sa pulisya, dahil nagtatrabaho sa paaralan, inaalok din umano ng suspek na si Consultado ng droga ang mga menor de edad na mag-aaral.

Nagpanggap din umano kung minsan na principal ng paaralan si Consultado, bagay na pinabulaanan naman niya.

Mahaharap sila sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News