Patay ang isang pasahero ng jeep matapos siyang barilin ng suspek na nakamotor sa Pasay City, ayon sa ulat ni Darlene Cay sa Balitanghali nitong Huwebes.

Nakuha ng CCTV ang insidente ng pamamaril na naganap sa kahabaan ng FB Harrison Street nitong Miyerkoles ng gabi.

Sa video, makikitang dumikit ang motor sa kaliwang bahagi ng pampasaherong jeep at matapos ay pinaputukan ng rider ang isa sa mga tao sa loob ng jeep.

“Humarang doon sa unahan. Tapos dito pa lang, binaril na. Dalawang putok na dito pa lang…Noong pinara niya, siniguradong patay na yung tao,” kwento ng saksi na tumangging magpakilala.

Kinilala ang biktima na si Jordan Cabarrubias, 38. Kasama niyang nakasakay sa jeep ang kanyang kasintahan nang mangyari ang insidente.

“Sumigaw yung babae, na yung sigaw niya parang shock na shock siya na napatay yung kasama niya,” anabg saksi.

Naisugod pa sa Pasay General Hospital ang biktima sakay ng parehong jeep pero idineklara na siyang dead on arrival.

Wala nang ibang nasaktan sa insidente.

Nakuha sa crime scene ang tatlong basyo ng bala.

Natukoy na ang suspek na nasa likod ng pamamaril, ayon sa Pasay Police.

Sa kanilang inisyal na imbestigasyon, may kinalaman sa iligal na droga ang insidente at posible umanong hindi nakapagbigay ng pera ang biktima.

Kasalukuyan nang tinutugis ang suspek. —Joviland Rita/KBK, GMA News