Wala nang buhay nang matagpuan sa loob ng isang kotse ang isang lalaki at isang babae sa Las Vegas, USA. Ang dalawa, kapwa umano may dugong Pinoy.
Sa ulat ng GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Martes, sinabi ng mga awtoridad na nakatanggap sila ng tawag sa 911 kaugnay sa kahina-hinalang sasakyan na nakitang nakatigil sa lugar.
Nang puntahan ng mga pulis, nakita na basag ang salamin ng kotse at duguan ang dalawang sakay nito na parehong may tama ng bala sa katawan.
Kinilala ang dalawa na sina Sonya White, 23-anyos, at Shiloh Delph, 22-anyos.
Ayon sa mga awtoridad, Pinoy ang ama ni White, habang Pinay naman ang ina ni Delph.
Sa paunang imbestigasyon ng mga awtoridad, lumilitaw na binaril muna ni Delph si White, at saka ito nagbaril sa sarili.
Tumanggi umanong magbigay ng pahayag ang pamilya ng mga namatay. -- FRJ, GMA News
