Nag-iingat ngayon ang mga naliligo sa baybayin ng Santa Cruz, Davao del Sur dahil sa pagdagsa ng dikya sa lugar na makati umano sa balat kapag dumikit.

Sa ulat ni Real Soroche ng RTV-One Mindanao sa "Balita Pilipinas" nitong Biyernes, sinabing tatlong araw na umanong nasa baybayin ng Barangay Astorga sa Sta. Cruz ang mga dikya.

Ayon sa mga batang nakapitan ng dikya, masyado raw makati ang naramdaman nila sa balat.

Sinabi naman ng eksperto na normal lang ang pagdami ng dikya sa lugar at posibleng natangay lang ng malakas na alon.

"Posible ring napunta sila diyan dahil baka maraming hipon at maliliit na isda sa lugar," sabi ni Darrel Blatchley, ng D'bone Collector Museum.

Ayon sa mga residente, ito ang unang pagkakataon na nagkaroon ng ganitong pagdagsa ng dikya sa kanilang lugar.

Bagaman hindi nakamamatay ang uri ng dikya na nakita sa lugar, pinag-iingat pa rin ang mga residente baka mayroong ibang uri ng dikya na mapadpad na nakamamatay gaya ng box jellyfish.-- FRJ, GMA News