Napaluha na nagpaalam ang isang 63-anyos na inmate sa kaniyang asawa at mga anak dahil matapos ang 10 buwang pagkakalaya dahil sa Good Conduct Time Allowance, muli siyang nagbabalik sa New Bilibid Prison bago pa dumating ang deadline na ibinigay ng pangulo.

Sa ulat ni Jun Veneracion sa GMA News "24 Oras," sinabing kinausap muna ni Bienvenido Debuque ang kaniyang mga anak bago sumuko at bumalik sa kulungan nitong Martes.

"Sabi ko nga, magpapaalam ako sa inyo, maghihiwalay tayo ngayong araw na ito. Hindi niyo na ako makapiling sa gabing ito. Yumakap sila sa akin. Sabi, 'Tatagan mo sarili mo, 'tay,'" kuwento ni Debuque.

Ayon sa ulat, ni hindi naisip ni Lolo Bienvenido na muli siyang babalik sa bilangguan, hahit sa bangungot.

Matatandaang iniutos ni Pangulong Duterte na bumalik sa kulungan ang lahat ng mga napalaya dahil sa GCTA.

"Sabi ko sa kanila na maghiwalay muna tayo. Hindi ko alam kung anong taon ako lalabas ulit. Susuko ako. Umiyak ang mga bata," sabi ni Debuque.

Pati ang partner ni Lolo Bienvenido na si Susana Bartulaba na naghatid sa kaniya sa New Bilibid Prison, hindi napigilang maiyak.

"Pagpasok niya malungkot din ako. uuwi ako mag isa na lang," sabi Bartulaba.

Nasentensyahan si Lolo Bienvenido noong 1982 dahil sa mga kasong may kinalaman sa droga, highway robbery at evasion of service of sentence.

Halos pitong daan na ang mga sumuko sa BuCor nitong Martes ng umaga.

Dalawang araw na lang ang natitira bago matapos ang deadline na ibinigay ni Pangulong Duterte para bumalik ang mga napalayang halos dalawang libong heinous crime convicts
dahil sa GCTA.

"Each minute, each hour, each day that you refuse to turn yourselves in, is a continuing commission of an offense. And for that reason, law enforcement agencies may arrest even without a warrant," sabi ni Justice Secretary Menardo Guevarra.

"As the president said, when the 15-day deadline lapses then they will be deemed to be fugitives from justice and they can be arrested," ayon kay Presidential spokesperson Salvador Panelo.

Dahil dito, mas pinili na lang ni lolo Bienvenido na sumuko
bago pa matapos ang deadline ng pangulo sa Huwebes, Setyembre 19.

"Hintayin mo pa na arestuhin ka, hanggat nandiyan ka pa, buhay ka eh ibigay mo na lang 'yung sarili mo," saad ni Debuque. —Jamil Santos/LDF, GMA News